
Nasaan na ang aking kaligayahan
Sa piling ng maga taong aking nilisan
Sa piling ng bayang aking iniwan
Sa pling ng kaginhawaang aking tinalikuran?
Napadpad ako sa lugar ng dalita
Kung saan ako'y isang dayuhan at walang kakilala
Wari bang ako'y lagalag na ibong maya
Lumilipad sa malawak na himpapawid na nag-iisa.
Nandito ako sa lugar na matatayog ang mga gusali
Ngunit di naman kasing tayog nito ang aking mithi
Na ginupo sa bawat araw na ako dito'y nanatili
At iniwan sa puso ko'y kawalang pag-asa at pighati
Nasaan na ang simoy ng hangin sa dalampasigan
Ang bukang liwayway at takipsilim na nais muling mamasdan
Nasaan na ang mga huni ng ibong nagsisi-awitan
Ng mga awiting di na naawit ng kalooban
Oh! nasaan na ba ako at bakit lumuluha
Ako'y isang lagalag na puno ng dalita
Naghahanap ng maari kong makakasama
Ngunit hanggang ngayo'y nakakulong sa pag-iisa
Ninais ko lang mahanap ang kaginhawaan
Ngunit ang natagpuan ko'y kahirapan
Sa gitna nitong lugar na ako'y isang dayuhan
Na nangungulila sa bayan kong sinilangan
Dalangin ko'y muling magbalik sa piling
Ng mga taong tunay na nagmamahal sa akin
Sana kahit ako'y nag-iisa't nalulumbay ang damdamin
Makakita man lang ako ng dahilan upang sa umaga ako'y gumising pa..